Ang Wika ng Linggwistika

Ang Wika ng Linggwistika

Jesus F. Ramos

 

Para sa Komunikasyon ang Wika

[unang grupo]

Marami ang gamit ng wika. Maaaring para sa ating pagpapahayag ng pangangailangan o sa kawalan kaya ng pisikal na na larawan, madalas na lumilikha tayo ng patern sa wika na baligho sa sistema nito. Dala ng kakaibang tunog na paguulit-ulit ng mga vocoids o contoids ay nasisiyahan at nagagalak tayo. Maaaring ito’y instrumento ng ating iniisip na ideya o maaaring ito’y buklod ng mga miyembro ng isang lipunan o isang bansa. Maaaring sa pamamagitan ng wika ay maimpluwensiyahan o mabago ang pag-iisip o kilos ng mga tao o tumulong sa kooperasyon at koordinasyon ng mga tao. Marami pa marahil tayong maidaragdag na gamit nito sa komunikasyon.

Sa pamamagitan ng wika, naisasalin natin ang mga impormasyon mula sa isang tao tungo sa isa pang grupo ng mga tao na karaniwang sinusuklian ng reaksiyon. Tagapagsalita ang tawag sa una at takapakinig ang pangalawa. Ang wika ay binubuo ng mga makabuluhang mensaheng ipinahihiwatig sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mga ponema na bubuo sa mga morpema o salita kaya. Bagamat naging kalakaran noong unang panahon ang paggamit ng maligoy na pananagalog, sa kasalukuyang pagbabagong bihis ng wika, binibigyang-diin ang pinakamadali at pinaka-ekonomiko o matipid na pagsasalita. Palibhasa likas namang mahalaga ang kahulugan o mensahe at hindi ang pagkamaligoy ng mga pangungusap. Karaniwan nang ito ang nagtatakda ng haba at kaayusan ng mga istrakturang panglingguwistika, gaya ng salita, relasyon ng mga tunog sa kapwa tunog, relasyon at haba ng mga parirala at sugnay na bumubuo ng isang pangungusap.

Ano’t ano man ang katangian ng uri ng paggamit ng isang wika para sa malinaw na komunikasyon ang laging hangarin pa rin ng nagsasalita ang maintindihan siya. Base sa gamit sa komunikasyon ng wika, maaaring ang wika ay isang lingua franca ng dalawang taong kabilang sa dalawang magkaibang speech community o kaya’y multi-lingual na komunidad. Tinatawag din na wika ng interkomunikasyon ang lingua franca. Noong panahon ng Antiquidad, ang lingua franca sa buong Meditterenean at Kanlurang Europa ay ay Griyego subalit noong Middle Ages ay Latin. Ang opisyal na kinikilalang lingua franca ngayon sa daigdig ay Ingles, Pranses, Aleman. Sa Rusya, Ruso kahit na hindit ito katutubong wika sa mga Ruso.

 

 [ikalawang grupo]

Sa Pilipinas, dalawang klase ng lingua franca ang matatagpuan – ang tinatawag na rehiyonal na lingua franca at ang nasyonal o pambansang lingua franca. Makikita ang pagkakaibang ito sa sumusunod na ilustrasyon: Sa Aritao, Nueva Vizcaya, maaaring sa loob ng isang bahay ay Isinay ang wikang ginagamit dito. Ito ang tinatawag na “Una o Inang Wika” (First Language o Mother Tongue). Ngunit paglabas ng bahay, ang gagamitin na ay Ilokano maliban kung ang kausap ay marunong din ng Isinay. Kahit na lumayo pa siya sa lugar na ito at makaabot pa ng Benguet na parte pa rin ng Northern Luzon, Ilokano pa rin ang kinakailangan niyang gamitin (kung marunong siya ng Ilokano) upang mas madali ang komunikasyon. Ang wikang ito ang tinatawag na rehiyonal na lingua franca. Ito ang komon na sa rehiyong ito na iba’t iba rin ang wikang sinasalita. Ngunit kung wala na siya sa rehiyong ito, halimbawa ay nagpunta na siya sa Central Luzon o maging sa Bisaya at Mindanao at hindi siya marunong ng Cebuano at hindi rin marunong ng Ilokano ang kausap niya, kung hindi Ingles ay Filipino ang gagamitin niya. Ito ang tinatawag na nasyonal o pambansang lingua franca. Ingles ang gagamitin niya kung ang kausap niya ay hindi masyadong matatas sa Filipino o ayaw gumamit nito lalo na sa mga mataas ang pinag-aralan. Filipino ang gagamitin niya kung ang kausap niya ay hindi marunong o matatas sa Ingles o hindi nakapag-aral. Filipino at hindi Tagalog ang gagamitin niya bagama’t batayang istruktura ng Filipino ang Tagalog. Filipino ito sapagkat ang sinasalita niya ay hindi gaya ng sinasalita ng mga taal na Tagalog gaya ng mga taga-Bulacan at Batangas kundi ang paggamit niya dito ay di-Tagalog.

 

[ikatlong grupo]

 Ang lingua franca kapag kinikilalang pangkalahatang midyum ng komunikasyon sa isang bansa ay nagkakaroon ng magandang posisyon upang mabilis na mapaunlad. Karaniwan nang isinasabatas ang pagkilala dito at tinatawag na pambansang wika. Kadalasan nang nagkakaroon ng kaguluhan sa pagpili ng pambansg wika lalo na kung ang pagpilian ay halos prestihiyosong mga wika. Ang pagtanggap o pagtakwil sa wika bilang isang wikang pambansa ay nagkakaroon ng sosyo-politikal na implikasyon. Sapagkat mahirap na tanggapin sa isang taong matabunan ang kanyang inang wika o itakwil kaya ito na iniisip niyang pagtatakwil na rin sa kanyang kultura at kabihasnan. Sikolohikal ang negatibong reaksyon sa ganitong krisis at minsa’y politikal o racial. Maaaring grabe sa multilinggual na lipunan ang problemang ito subalit lalong higit sa mga bansang may dalawang wikang kandidato sa pambansang wika, hanggang ngayon ito ang malaking problema ng Canada at Norway.

Sapagkat ang dalawang wika ay nakalilikha ng malaking suliranin sa isang bansa, magkaminsa’y hinahango ito sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng dalawa, tatlo o higit pang bilang ng mga wika. Ito ang nangyayari ngayon sa Pilipinas. Sa ganitong paraan ng language planning maraming gulo ang kinakaharap. Gayunpaman sa siyentipikong paraan, maaaring ang pambansang wikang ito’y ibase sa isang wika sa pagsisimula at saka pasukan ng elemento ng iba pang mga wika o kaya’y simulan sa dalawang wikang basehan o tatlong wikang basehan.

[ikaapat na grupo] 

Ang lingua franca ay maaaring maging opisyal na wika gaya ng karaniwang nangyayari sa maraming bansa. Nangangahulugang ito ang ginagamit na opisyal na komunikasyon ng estado sa kanyang mga mamamayan o  sa ibang mamamayan  at ibang bansa sa daigdig. Maaaring politikal, sosyal, ekonomikal o kultural na transaksyon ang nasasangkot. Maraming bansa ang may isang opisyal na wika lamang, e.g. Hapon, Aleman na dalawa o tatlo ang opisyal na wika palibhas ang target ng estado o gobyerno ay ang kanyang mamamayan oa ang internal na komunikasyon. Sa ganitong kalagayan ng mga bansa, may mga interpreter para sa pakikipagtalastasan sa ibang bansa o mamamayan ng ibang bansa.

Karaniwan din lalo na sa tunay nang malalayang bansa na ang lingua franca na siyang opisyal na wola ang ginagamit na midyum ng pagtuturo. Liban sa mga bansang naging biktima ng imperyalismo, ang inang wika ang pinapaborang maging midyum ng pagtuturo sa mga paaralan sapagkat madalas na ang pagkatuto o paggamit ng banyagang wika lalo na iyong wika ng ibang kultura ay nagkakaroon ng alienating effect sa isang indibidwal gaya ng anomie kung hindi man ng lubusang pagbabago sa sensibilidad o pag-iisip ng isang estudyante bunga na rin sa pagkalantad sa sining, agham, teknolohji ng ibang bansang nasasangkot.

 

Sanggunian:

Ramos, Jesus Fer. “Ang Wika at Lingguwistika.” Mula sa Wika, linggwistika at bilinggwalismo sa Pilipinas, pahina 179-183. Maynila: Rex Book Store, c1985. 

Standard

Bunso

ni Eli Rueda Guieb
(isang bahagi lamang ng kuwento (an excerpt) )

 

           NARINIG KO SA KUWARTO ang mga banayad na strike ng lumang grandfather’s clock ni Nanay mula sa dining area, labing-isang tunog ng pabalik-balik na wasiwas ng pendulum.

                 Naalala ko ang usapan namin kanina ni Kuya Mat.

                 “Masaya ako ngayon.”

                  Natahimik siya nang sabihin ko iyon. Bahagyang kumunot ang kanyang noo.
“Masaya ako dahil sabay tayong kumain ngayon.”

                  Nawala ang kunot sa kaniyang noo. Napangiti siya. Sa ngiting iyon ay halatang nakornihan siya sa sinabi kong iyon.

                   “There you are again with your romanticism,” sabi niya.

                    Ako naman ang napakunot ang noo

                    “Okay, leave it at that,” dugtong ko agad.

                     Kinusot lang niya ang buhok ko. Lagi niyang kinukusot ang buhok ko tuwing may sasabihin akong sa tingin niya ay senyales ng aking immaturity.

                     Lagi namang ganoon. Bata pa kami’y ganoon na ang kalakaran. Halos lahat ng sabihin ko’y parang laging kailangang i-test ang validity o appropriateness. Minsan tuloy ay na-insecure ako: out of context na naman yata ang binitiwan kong salita, napaka-childish na naman yata ng ifinorward kong statement. Kapag dinugtugan ko naman iyon ng apology, isasagot naman nila sa akin na hindi ko kailangang maging apologetic, oks lang daw ang sinabi ko, kahit alam kong hindi totoong okey sa kanila. Pero hindi ako nagagalit sa kanila kapag sinabi nila iyon sa akin, nagtatampo lang ako ng konti.

                 “Matagal na tayong hindi nagkakasama, at least sa pagkain,” dagdag ko.
Bihira na talaga kaming magkita, kaming magkakapatid. Si Ate Nikki, nasa U.K., nagpi-Ph.D. sa Cambridge, at wala na yatang planong mag-asawa. Si Kuya Jun, laging out of town, busy sa iba’t ibang environmental issues na ginagawa ng NGO na kinabibilangan niya, at kung umuwi, siyempre sa pamilya niya uuwi, sa Sampaloc, sa lumang bahay ng pamilya na ibinigay na sa kaniya ng aming mga magulang. At itong si Kuya Mat, nakatira na sa bahay na pinauupahan sa kanila ng unibersidad kung saan ay nagtuturo siya ng Anthro. 

                Ako na lang ang naiwan dito sa bahay, kasama nina Nanay at Tatay. Sabi nga nila sa akin, baka gusto kong mag-dorm, pero sabi ko mas gusto ko pa rin dito sa bahay, kahit na naaasar ako araw-araw sa haba ng pila tuwing umaga para lang may makasakay ng dyip papunta sa unibersidad na pinapasukan ko, at panibago na namang haba ng pila para lang makasakay ng dyip at traysikel pauwi sa bahay, bukod pa sa traffic, init, at polusyon na araw-araw kong nasasagupa.

              Puwede rin naman akong tumira sa bahay ni Kuya Mat sa loob ng kampus. Niyaya rin naman niya akong tumira doon. Pero ayokong i-spoil ang independence ni Kuya.

                High school pa lang ako ay nakita ko na silang isa-isang nawawala. Si Ate, pagka-graduate ng college ay nag-M.A. agad sa Australia. Si Kuya Jun, huminto sa pag-aaral at pagkaraan ng tatlong taong pagkawala ay nagdesisyong bumaba noong mahati ang kilusan. Si Kuya Mat, nag-dorm noong college at tuwing weekends na lang umuuwi, kadalasan nga ay pumapalya pa.

                 At nang mag-college nga ako ay wala nang laman ang bahay. Ako na lang at ang aking mga magulang ang naiwan dito, kasama ang isang helper, saka si Laya, ang alaga kong German Shepherd.

                  Nang bata pa kami, maliit lang ang bahay namin, sa Sampaloc. Siguro mga walong taon ako nang lumipat kami rito sa Fairview. Maliit din lang ang pinagawang bahay nina Tatay at Nanay pero malaki ang compound. Yaong bahay sa Sampaloc, pinaupahan na lang. Dito sa bagong bahay, sama-sama kami nina Kuya sa isang kuwarto, sa isang maliit na kuwarto naman si Ate, at sa isang kuwarto ang aking mga magulang. Wala pa kaming helper noon. At habang tumatagal, at habang lumalaki na kami, isa-isa na ring nagbago ang structure ng bahay. Nadagdagan ng mga kuwarto, nagkaroon pa nga ng isang kuwarto para sa mga bisita, inextend ang kusina, nagkaroon ng garahe sa gilid ng bahay, inayos ang harap ng bahay at ginawang garden, inayos din ang laudry area sa likod.
                Nakalulungkot lang isipin na kung kailan lumalaki ang bahay ay doon naman unti-unting nawawalan ng laman ang bahay, isa-isang lumilisan ang mga miyembro ng pamilya.
At ang mga kapatid na dati-rati’y lagi kong kalaro ay naging sulat na lang sa e-mail, o boses sa telepono, o message sa pager o sa text, o maikling note sa isang pinilas na papel o kaha ng sigarilyo, o bisita sa bahay. At nakikilala ko lang sila hindi na sa dati naming paraan ng araw-araw na pagsasama kundi sa kanilang mga researches o artikulo sa mga dyornal at magazine, o librong tinatapos, o pakikibakang isinusulong.

                     Nagkikita-kita na lang kami kapag may trahedyang nagaganap sa pamilya. Tulad nang maholdap si Tatay. Mga alas-tres lang ng hapon iyon, kabibisita lang niya sa manukan namin sa Bulacan. Nasa North Expressway na noon ang Baliwag Transit na sinakyan niya nang may tatlong mama na lulan din ng bus ang tinutukan sila ng mga baril at isa-isang kinuha ang lahat ng cash, alahas, at iba pang gamit ng mga driver, konduktor, at pasahero. Nagpababa ang tatlo sa isang bahagi ng expressway at mabagal na naglakad palayo sa bus, papunta sa kung saang bukirin, na parang walang nangyari. Wala raw silang nagawa kundi hintayin na lang ang unang Baliwag Transit na dumaan. Matagal bago dumating ang patrol car na nagbabantay sa expressway. Buti’t hindi raw sila pinatay niyong tatlong lalaki. Nireport daw nila iyon sa expressway management, pero wala ring nangyari.

                    Nang maibalita ito sa aking mga kapatid, agad na nag-email at overseas call si Ate, sumugod sa bahay si Kuya Mat, nagpunta rin agad sa bahay si Ate Cha, asawa ni Kuya Jun, kasama ang kanilang panganay na si Liway na noon ay dalawang taon pa lang. Kahit papaano ay nabuo ang pamilya.

                      Minsan naman ay nakatanggap si Nanay ng tawag sa bahay. Hatinggabi na iyon. Si Ate Cha, umiiyak sa kabilang linya. May nakapagbalita raw sa kaniya na sinalvage si Kuya Jun, hindi ng militar kundi ng kaniyang mga kasama. Nabulabog ang bahay. Kinontak ni Ate Cha ang lahat ng mga puwede niyang tanungan upang-confirm kung totoo ang balita. Pagkaraan ng isang buwan, na-confirm ni Ate Cha na buhay si Kuya Jun, absuwelto sa dudang isa siyang DPA.

                   Noon ngang bumaba na si Kuya Jun ay nakapag-usap kami. At hindi ko malilimutan ang sinabi niya sa akin. Lahat naman daw ng independent-minded na tao, agad-agad na pinagdududahan, agad-agad na binabansagang kontra-rebolusyonaryo. Ibinigay niya ang buhay niya sa kilusan, pero ni minsan daw ay hindi pumasok sa isip niya na ipagkanulo ang kilusan. Ang lahat-lahat daw para sa kaniya ay para sa pagbabago. Umiyak nga si Kuya Jun noon nang sabihin niya iyon sa akin.

                  Hindi ko rin malilimutan ang isa pa niyang sinabi sa akin. Ibibigay na lang daw niya ang buhay niya sa mga taong gustong tumanggap ng buhay niya, hindi na raw sa kilusan na matagal na naging bahagi ng buhay niya, sa paraang tingin niya ay tama, sa paraang hindi idinidikta ng kung sinuman o anuman.

                     Muli ring nagka-reunion ang pamilya, sa ospital. Ako ang dahilan. May isang binatang basta na lang lumapit sa akin at sinaksak ako sa likod. Maaga pa iyon, mga nine ng gabi, pauwi na ako sa bahay, naglalakad papunta sa abangan ng traysikel nang bigla ko na lang naramdaman ang isang matulis at matalim na bagay na tumarak sa aking likod. Hinabol ng mga nakakita iyong binatang sumaksak sa akin, nahuli nila, binugbog nila, may tumawag ng pulis, at basag na ang mukha ng binata nag dumating ang mga pulis.

                Nakababa na noon si Kuya Jun, kinontak niya ang mga kilala niyang lawyer. Ayon sa mga kuwentong umabot sa akin, nagmumura sa galit si Tatay, gusto ring upakan ang binata nang puntahan nila ito sa presinto. Si Kuya Mat, mura rin daw nang mura, pati magulang niyong binata, minumura. Si Nanay, tahimik lang, pero laging mataas ang boses kapag nakikipagtalo sa magulang nang binata. Si Ate, nag-overseas call uli. Pagkaraan ng dalawang taon ay natapos ang kaso, frustrated homicide ang hatol sa binata na ngayon ay nasa custody na ng DSWD.

                 At ang pinakahuling trahedya ng pamilya ay nang mamatay two weeks ago si Tatay.
                 Buti’t nagawang umuwi ni Ate Nikki.

                 At muli, kompleto na naman ang pamilya, kahit hindi totoong kompleto nga ang pamilya.
                Ganoon nga lang yata talaga ang lahat ng bagay. Sa huli ay magiging titik din lang tayo sa lapida ng ating mga puntod.

                  Iyon ang sinabi ko sa sarili ko nang ibinaba na ang kabaong ni Tatay. Hindi na ako nagpaalam sa kaniya. Nagawa ko na iyon noong una ko siyang makitang nakaratay sa morge ng ospital. Ako lang ang kaniyang anak na nasa loob ng morgeng iyon nang huli akong mamaaalam sa kaniya. Kasama ko si Nanay na tahimik na noong mga oras na iyon.

               Si Kuya Jun ay busy sa pag-aasikaso ng punerarya. Si Kuya Mat ay kinokontak sa phone si Ate Nikki.

                 Noong pinagmamasdan ko siya sa loob ng morgeng iyon, naisip kong malapit na rin kami. Dati-rati, parang napakalayo ng kamatayan. Siyempre, nalungkot ako nang mamatay ang mga lolo’t lola ko sa nanay at tatay. Natahimik din ako sandali nang mamatay ang ibang kapatid ng aking mga magulang. Sandali rin akong nagnilay nang mamatay ang magulang ng ilang kong kabarkada’t kakilala. Pero nang si Tatay na ang mamatay, sabi ko sa sarili ko, heto na ang kamatayan, kami na ang susunod, o kami na ang isusunod.

 

Sanggunian (reference): 

Tolentino, Rolando B., Romulo P. Baquiran, Jr., Alwin C. Aguirre. Kuwentong Siyudad. Lungsod Quezon: ADMU Press, 2002.

Standard